Patay on the spot ang Chief of Police ng Sibulan, Negros Oriental at dalawa pa niyang tauhan matapos silang barilin ng kanila mismong kasamahang pulis na kanilang dinakip matapos itong makapamaril kagabi, Biyernes, Enero 9, 2026, sa loob ng isang restobar sa nasabing bayan.
Kinilala ang mga biktima na sina PCPT JOSE EDROHIL CIMAFRANCA, gayundin ang dalawa pang miyembro ng Sibulan Municipal Police Station na sina PSMS TRISTAN CHUA at PATROLMAN REY ALBERT TEMBLOR.
Ang tatlo ay rumesponde sa isang shooting alarm na nangyari pasado alas-9:00 ng gabi sa Sab Restobar sa Brgy. Poblacion, Sibulan kung saan nakapamaril at nakapatay ang suspek na si P/STAFF SGT. BONIFACIO SAYCON, 40 anyos.
Nabaril at napatay ni Saycon ang isang babae na kinilalang si Shiela Mae Dinanao, kaya naman dinakip siya ng kaniyang hepe at iba pang kasamahang pulis.
Habang nasa loob ng isang pribadong sasakyan patungo sa Sibulan Police Station—kung saan sana ikukulong ang suspek—ay pinagbabaril niya ang mga ito.
Ayon sa ulat, hindi naposasan si Saycon kaya nakagawa ito ng pagkakataon na barilin ang tatlong biktima.
Tumakas si Saycon matapos ang pangyayari ngunit makalipas ang ilang oras ay sumuko rin ito, dala ang kaniyang issued service firearm, sa Tanjay City Police Station kung saan naninirahan ang nasabing pulis.
Batay sa report, naging kampante ang mga biktima at hindi na pinosasan ang suspek dahil kasamahan din nila ito na nakatalaga sa Sibulan Municipal Police Station.
Inaasahang kaukulang kasong multiple murder at iba pang kasong kriminal ang isasampa laban sa suspek na pulis, na pinaniniwalaang lasing nang mangyari ang insidente.

(ang napaslang na si Sibulan Chief of Police PCPT JOSE EDROHIL CIMAFRANCA)

(ang suspek na si PSSgt. BONIFACIO SAYCON matapos sumuko)

(ang kotse kung saan nangyari ang pamamaril na ginawan ng proseso ng PNP SOCO)

















