Nakapiit ngayon sa kulungan ang isang Misis gayundin ang kanyang kalaguyo matapos silang mahuli sa gitna ng kanilang diumano pagtatalik sa loob ng isang motel sa Brgy. Subangdaku, Mandaue City, pasado 1:00 ng madaling araw noong, Martes, Marso 31, 2026.
Ang suspek na si alyas Ivy, 42, nakatira sa Barangay Bakilid, gayundin ang kanyang kabit na si alyas Jo, 32, taga-Barangay Cabancalan (na may asawa din) ay nalamang mga dating kawani ng Mandaue City Hall ngunit nasisante matapos kumalat ang balita sa kanilang opisina tungkol sa kanilang relasyon.
Ayon kay PLTCOL Mercy Villaro, tagapagsalita ng Mandaue City Police Office (MCPO), bago ang pag-aresto ay dumulog sa MCPO Station 2 sa Subangdaku ang mister ng nagtaksil na babae kaya sinamahan siya ng mga pulis na nakipagtulungan sa mga staff ng motel na naging dahilan na nahuli ang dalawa sa akto o “in flagrante delicto.”
Sa nasabing operasyon, naroroon din ang dalawang anak ng nagtaksil na asawa pati na ang kanyang biyenang babae.
Kasong “adultery” ang nakatakdang isampa laban sa dalawa na nalaman ding parehong dating mga Job Order (J.O.) employees na tinanggal sa trabaho dahil lantad na lantad na sa kanilang mga kasamahan ang kanilang ilegal na relasyon.
Ang motel na pinangyarihan ay malapit sa isang mall na naging kontrobersyal din noong November 2020 matapos may misis ng isang seaman na nagtaksil rin sa kanyang mister.
Mistulang lusot na sana ang babae dahil ang kanyang kabit lang ang nadatnan at hindi siya nakita agad sa loob ng kwarto ngunit nahuli din ng mga polis sapagkat biglang umusli ang kanyang tsinelas at isang paa ng gumuho ang bulok na kisame ng nasabing motel room na doon umakyat at nagtago ang babae./via PAUL LAURO



















