Local

MISTER KINULONG MATAPOS GINULPI ANG ASAWA NA UMAYAW NA MAG-SEX SILA SA VALENTINES DAY

IMG

CEBU CITY – Nakakulong ang isang mister matapos niyang gulpihin ang kanyang asawa noong Valentines Day kagabi, Pebrero 14, 2026, sa Upper Banica, Barangay Lahug sa lungsod na ito.

RASON: Tumanggi ang asawa na makipagtalik pasado alas-10:00 kagabi sa loob sana ng kanilang kwarto.

Ang biktima na si alyas “JiJi”, 49 anyos, na isang laundry shop attendant, ay dumulog sa Lahug Barangay Hall dahilan para arestuhin ang suspek na si alyas “Grego”, 47, walang permanenteng trabaho.

Ayon sa biktima, gusto ng kanyang asawa na pumasok na siya sa kanilang kwarto at nagpaparamdam na magtatalik sila dahil Valentines Day, ngunit tumanggi siya dahil gising pa ang kanilang mga anak.

Nang tumanggi ang asawa, doon na nagwala ang suspek na nagbasag pa ng bote at nanakit sa biktima. Ayon pa sa asawa, kumuha pa ng kutsilyo ang kanyang mister dahil gusto raw nitong magpakamatay silang dalawa. Mabuti na lang at napigilan ito dahil sinabi ng babae kung ano na lang ang mangyayari sa kanilang mga anak kung wala na silang dalawa.

Matapos siyang makatakas, agad na pumunta sa barangay hall ang biktima at bumalik kasama ang mga barangay tanod at mga pulis kaya naaresto ang kanyang mister.

Idinagdag ng biktima na hindi lang iyon ang unang pagkakataon na sinaktan siya ng kanyang asawa dahil palagi rin daw itong nagseselos at pinaparatangan siyang may karelasyon sa kanyang pinagtatrabahuhan kahit hindi totoo.

Kasong paglabag sa VAWC law o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (Republic Act 9262) ang nakatakdang isampa laban sa suspek na kasalukuyang nakakulong sa Mabolo Police Station./via  PAUL LAURO

IMG